Capones Island @ Zambales - Part 1
Sa baybayin pa lang ng Pundaquit ay abot tanaw na ang isla ng Capones. Halos magkasingtabi lang sila ng isla ng Camara. Nang aming lisanin ang isla ng Camara, medyo malakas na ang alon. May mga sandali na napapakapit ako sa magkabilang gilid ng bangka kasi talaga namang ramdam mo ang taas-baba ng bangka.
Pero talagang ganon kung gusto mong mag-explore, palaging kasama ang risk. Para mawala ang kabang nararamdaman, syempre kailangang manalangin along the way sabay baling ng atensyon sa parte ng isla na iniikutan namin.
Pagdating sa parteng gilid ng isla kung saan nasasalag nito ang hangin, banayad na ang alon at nakahinga na rin kami ng maluwag. Sa hitsura ng tubig-dagat, kita mong malinis ito at nakakaengganyong maligo na.
Pagkatapos ng mahigit kumulang 10 minuto galing sa isla ng Camara papunta dito sa isla ng Capones, abot-tanaw na namin ang parte ng isla kung saan dumadaong ang mga bangka. Merong mga turistang maagang pumunta dito pero hindi ganon karami. At sa malayo pa lang, kakaiba na ang ganda ng isla. Malamang marami pa itong mga magagandang parte na nag-aantay lamang na ma-explore ng mga kagaya namin.
At sadyang nakakatuwa ang litratong nakuha ko. Kung inyong pagmasdang mabuti, ang hugis ng bato sa bandang itaas ay parang isang higanteng lizard samantalang ang sa ibaba naman ay parang isang higanteng palaka. (O baka naman imagination ko lamang ang mga ito. Hehe)
Past 9am na kami nakadaong at sa paglapat ng aming mga paa sa dalampasigan, ramdam mo ang mala-pulburong pino ng buhangin. Bibihira lang ang mga baybaying katulad nito na sobrang pino ang mga buhangin. At the best palagi ang experience kung maglalakad ka dito ng nakapaa lamang.
Subalit sa mas mataas na parte ng dalampasigan, nagkalat na ang mga bato at parte ng mga corals na inanod ng dagat. Hindi na advisable dito ang nakaapak dahil tyak matitibo ka. Hehe
Ang gara ng rock formation na sasalubong agad sa iyo. Kitang-kita talaga ang tibay ng bato dito at malamang centuries na rin ang binilang nito at patuloy pang magbibilang ng mga taon. Ang nakakalungkot nga lang, meron tayong mga kababayan na sadyang nag-iiwan ng palatandaan na galing sila dito. Sana maiwasan natin ang mag-vandal sa mga ganitong klaseng lugar para patuloy itong maging kaaya-aya sa mga turistang dumadalaw dito.
Hindi ba't magandang magpakuha ng souvenir picture dito na malinis at walang nakasulat na kung ano sa mga bato? O di kaya'y kung gusto nyong magsulat, pwede nyong i-blog ang experience nyo sa Capones gaya nito at wag ng dungisan pa ang ganda ng isla.
Anyway, binaybay namin ang daan papuntang lighthouse. Kahit na katirikan ng araw, ang sarap pa ring maglakad sa dalampasigan. Maliban sa excitement kung anong meron doon sa lighthouse na yon, enjoy ang lakad dahil sa sariwa ang hangin at maganda ang view.
Narating namin ang parte ng isla na medyo kakaiba ang hitsura. Sa bandang ibaba, nakausli ang mga bato na parang anomang oras ay pwede itong matibag at mahulog. Sinubukan itong kapitan ni Justin at matibay naman pala. Hehe
At yong inakyat namin na part, masasabi mong walang buhay talaga. Kakaiba ang mga bato dito, kulay itim. At malamang kahit ang mga damong ligaw ay hirap ding tumubo dito. 'Yon nga lang at nakalimutan kong itanong sa bangkero namin kung bakit naging ganon ang hitsura ng lugar na iyon. Next time ko ikukwento kasi may balak akong bumalik dito. Magpalista na ang gustong sumama. Hehe
Magkaiba ang hitsura ng inakyat namin at ng kabilang parte. Ang mga maiitim na bato na dinaanan namin, meron pa rin dito sa tuktok. Pag narating mo na ang tuktok, hanep sa ganda ng view. At dahil sa kakaibang ganda ng lugar, tumigil muna kami sabay picture picture.
At kung ganito kaganda ang isang lugar na mapuntahan mo, tyak mapapatalon ka sa tuwa.
0 comments:
Post a Comment