Anawangin Cove @ Zambales
Nang umalis kami sa isla ng Capones, sobrang banayad ang alon. Dahil tanghaling tapat, mainit ang panahon. Mahina ang hangin pero ok lang kasi pag malakas ang hangin malakas din ang alon. Pabor sa akin ang ganitong timpla ng panahon.
Dahil sa banayad ang mga alon, nakakatuwang pagmasdan ang aming mga bangkang nagkakarera. Ang mga bangkero namin ay talagang bihasa na sa parteng ito ng dagat at ito na marahil ang panahon na sobrang tahimik ang dagat. Ang mga bangka namin ay para bang tumatakbo sa patag na daan at talaga namang trip nila ang tumayo. Sabagay kahit na mahulog sila ay walang problema. Kahit na gusto ko mang subukin ang tumayo sa bangka di ko rin magawa, ang takot ko lang na malunod. Hehe.
Kahit na tahimik ang dagat, paminsan-minsan merong nakakalulang parte. Ito yong biglang lalalim na parang kalsadang me pababa at paakyat. Kunswelo na lang at dirediretso ang takbo ng bangka namin. Kung nagkataon na magalaw ang mga alon, naykupo, ibang usapan na yan.
Ang aming nadaanang parte ng bundok ay talagang nagpamalas ng katatagan sa mga nagdaang panahon. Walang makapagsasabi kung kelan ito nagsimula pero marahil mapapaelibs ka sa porma ng bato dito. Para itong mga baytang ng hagdanan na inukit. Kakaibang obra na kalikasan lang ang syang makakagawa.
At ng malapit na kami sa isang isolated na islang ito, hudyat na ito na papalapit na kami sa Anawangin cove. Nakakatuwang pagmasdan ang islang ito. Para bang isang dambuhalang aso na nakatingin sa langit at parang merong pinapakawalang ungol para sa mga dumadayo sa parteng ito ng Zambales.
Pagkalagpas ng islang iyon, abot-tanaw na namin ang baybayin ng Anawangin. Ang bawat bangkero na aming makasalubong ay parang nagmamadali at nagkakarera. Marahil dahil ng pumunta kami ay araw ng Sabado, sadyang maraming turista ang nagpupuntahan dito kaya't ang mga bangkero ay nagmamadaling sumundo ng iba pang mga turista para makarami.
Sa aming pagbaba, ang hirap humanap ng pwesto. Kahit saan ka tumingin, ang daming tao. Lahat ng cottage at papag ay punuan. Ang daming tent na nakalatag sa buong paligid. Anong meron sa lugar na ito at sadyang madaming tao?
Since na di kami makakuha ng pwesto, sa isang bakanteng buhanginan na lang kami pansamantalang lumugar. Buti na lang at walang maarte sa grupo. Basta makaupo o makahiga, ayos na. Ang mahalaga makapagpahinga sandali habang nag-aantay ng tanghalian.
Dahil sa init ng panahon at sa paglagalag namin sa isla ng Capones, ang aming gutom at uhaw ay ramdam na. Buti na lang at me mga baon kaming makukot pansamantala pero ang aming inumin ay ubos na. Kung meron kang sakit sa puso, baka atakehin ka sa presyo ng inumin dito sa Anawangin. Ang 8 oz na soda ay 20 pesos, ang litro ay 80 pesos at ang 4 liters na tubig ay 150 pesos. Ang hirap lumunok ng laway at lalong di pwede ang tubig dagat, kaya't kahit na magreklamo ka, walang barangay dito. Hehe. Kaya't sa mga gustong pumunta dito, siguraduhin na magbaon ng malaking container na puno ng tubig para di kayo maholdap ng di oras dito.
Nang makakain na kami ng tanghalian at makapagpahinga sandali, gumala kami sa paligid ng Anawangin. Medyo mahirap maglakad sa buhanginan kahit na almost 3:30 na, sobrang nakakapaso ang init. Ang ginawa namin, sa tabing dagat na lang kami dumaan.
Ilang sandali pa, narating na namin ang parteng dulo ng swamp kung saan umaagos ang tubig tabang papuntang dagat. Lumusong kami at medyo nakakatuwa ang timpla ng tubig dito. May portion na merong maligamgam at meron ding malamig. Merong part na hanggang beywang ang tubig at meron ding kita na ang lupa ng swamp.
Iba ang composition ng lupa sa swamp, hindi ito buhangin kagaya ng kalapit na dalampasigan. Marahil ay galing ito sa bundok at naiipon dito tuwing tag-ulan.
Ang buong paligid ng swamp ay napapalibutan ng mga pine trees. Ito ang nagbibigay ng lilim dito sa mga campers. Ang sabi ng mga tagarito ay may mga nagmamay-ari na ng mga lupain dito at darating ang panahon na idedevelop ang setting ng lugar at tyak magmamahal ang entrance dito.
Ang mga nadadaanan naming mga campers ay kanya-kanyang pwesto. Actually, basta bakante, pwede ka magtayo ng tent at walang sasaway sa iyo. Pwede ka rin mag set-up ng lutuan ng walang harang. Merong mga poso dito para panghugas at pangbanlaw at meron ding pampublikong palikuran dito.
Ang nakakatuwang napansin ko sa dagat ng Anawangin pagdating ng low tide ay talagang sobrang babaw ng dagat. Literally, masasabi ko na kahit na lumusong ka hanggang kalagitnaan ng dagat, hanggang dibdib lang ang lalim nito.
Bago mag 6pm, nilisan na namin ang Anawangin. Masaya siguro ang mag overnight dito basta meron lang sapat na baong gamit at pagkain.
At meron palang kakaibang surpresa ang Anawangin. Habang nasa cove pa lang kami, sobrang tahimik ng dagat. Hindi namin akalain na sobrang nakakawindang pala ang lakas ng mga alon paglagpas ng cove. Sa sobrang lakas ng mga alon, tyak mababasa ang lahat ng laman ng bangka. Kaya't maiging magdala ng lalagyan na water resistant dahil lahat ng dalahin mo ay hindi papatawarin ng dagat.
Sa sobrang lakas ng mga alon, talagang mapapakapit ka ng mahigpit sa bangka. At malamang, lahat ng alam mong dasal ay masasambit mo. Aaminin ko na isa ito sa mga bibihira kong maranasan sa dagat na sobrang nakakatakot. At talaga namang sobra-sobra ang pasasalamat ko ng marating namin ng matiwasay ang dalampasigan ng Pundaquit na ligtas kaming lahat.
Advisable na pag ayaw nyong maranasan ang ganitong experience sa dagat ng Zambales ay magbyahe sa umaga at huwag sa hapon dahil sa sobrang ligalig ng dagat. Kahit na marunong kang lumangoy at merong life vest, iba pa rin yong hindi ka nalalagay sa alanganin sa loob ng 30 minutong byahe.
At ang isa pang bagay na hindi dapat palampasin ay ang ganda ng sunset sa Pundaquit. Isa din ito sa mga pagkakataong hindi ko pinapalampas at sadyang tinututukan ko. Talagang nakakabighani ang bawat segundong dumadaan. Sadyang rewarding at nakakarelax panoorin ang ganda at halina ng paglubog ng araw.
Sobrang enjoy ang aming buong araw dito sa Zambales. Definitely, isa ito sa mga experience namin na mahirap malimutan.
2 comments:
mgkno po inabot ng gastos nyo jan ?
Actually, packaged tour yan. 8 hun ata kami per head. Kung di ako nagkakamali, ung bangka to Camara island, Capones island, and Anawangin cove ay 1200 to 1500 gud for 4 persos per boat. Maige din na me baon kayong fud at water kasi ginto ang bilihin sa anawangin cove.
Enjoy your trip.
Post a Comment