Starfish Island, Honda Bay @ Puerto Princesa, Palawan
Pagkatapos naming mag agahan, tumulak na agad kami papuntang Honda Bay. Actually wala kaming idea kung papano pumunta doon at hindi din namin alam kung ano ang sasakyan. Well, ang pinakamadaling paraan ay mag hire ng tricycle at ang singil sa amin ay 150 kasi walang maisasakay ang driver pabalik ng city.
Medyo malayo-layo din ang byahe at medyo kaka excite kung ano nga bang meron sa Honday bay. Hindi umabot ng 30 minutos ang byahe namin at medyo may kalayuan din ang lugar kasi tuloy-tuloy ang byahe at walang traffic.
Pagdating namin sa bay, masasabi mong hindi ito maganda, walang buhay. Pero actually malayo pa dito ang mga islang pupuntahan. Since may idea na ako sa mga ganitong lakaran, nag hire na lang kaming dalawa ni Eric ng sarili naming bangka. Dapat sana 1500 ang kukunin namin pero wala ng available kaya 2k ang nakuha namin. Maige na 'yong solo namin ang bangka kasi pwede naming diktahan kung anong oras kami lalarga at kung saan pa pwedeng pumunta.
At para sa mga gustong pumunta dito, heto ang kanilang boat rates. Meron ding entrance/environmental fee na worth 40 pesos ata.
Regulated at controlled ang pag byahe ng mga bangka dito. Hindi ito katulad ng mga tricycle sa kalye na pwede ka pumara anytime. Kung baga, hindi pwedeng pumili ng bangka at mangontrata. Yon nga lang, medyo napamahal kami unti kasi nagkakaubusan ng bangka na mas mura. Isa lang ang ibig sabihin non, kahit na hindi week end, marami pa rin ang mga bakasyonista na dumadayo dito.
Sya nga pala, maigeng magdala ng baon bago pumunta dito. May kamahalan ang mga pagkain at inumin dito. Parang normal na ang ganitong kalakaran sa mga lugar na wala kang ibang mabibilhan ng pagkain at inumin.
Ayon at aalog-alog kami sa bangka, kaming dalawa at yong dalawang bangkerong kasama namin. Maganda ang panahon ng pumalaot kami. Walang alon. As always, masarap bumyahe sa dagat pag umaga. Sobrang peaceful ng dagat.
May mga nadaanan kaming mga structures sa dagat. Trip sana naming bumaba kahit sandali lang kaso sabi ng bangkero namin ay sa pagbalik na lang daw. Di na kami nagpumilit. Kwento pa nila, pag sobrang high tide daw, hindi mo na makikita ang white sand kung saan nakatirik ang mga structures. Para daw nakalutang ang mga ito sa dagat. Actually, meron din akong isang trip gawin, ang magpapicture sa gitna ng dagat kung saan nakatayo lang ako sa strip ng buhanginan. Ang cool gawing portrait non. Hehe. Kaso lang baka bigla akong pag tripan at iwanan. Haha. Next time, sana magawa ko yon.
Anyway, pagkatapos ng 30 minutes na byahe, abot tanaw na namin ang starfish island. Maliit lang ang isla at kaya itong lakarin ng less than 30 minutes. 50 pesos ang entrance dito at obviously, merong company ang nag mamay-ari nito. Ang mga cottages dito ay libre lang at pwede mag picnic at mag swimming dito hanggang gusto mo. Actually, walang time limit dito. Discretion nyo na kung gaano kayo katagal dito.
Tinawag itong starfish island kasi maraming starfish ang makikita dito (naman!) lalo na daw sa likurang parte ng isla. Hindi nga lang pwedeng puntahan ang kabilang parte ng isla dahil sa puro puno ng mga bakawan ang tumutubo doon. Sa parte na kung saan dumadaong ang mga bangka dito, may makikita na agad na mga starfish at mas marami pa daw sa malalim na area, kailangan mo nga lang itong sisirin.
Sobrang linaw ng tubig. Walang lumot o anumang maduduming bagay na lumulutang dito. Pag ganito kalinaw ang dagat, ang sarap lumublob. Ready naman kaming magpakabasa kaso lang hindi kami nagbaon ng pampalit na damit. Haha. Bahala na.
Ang mga nakita naming starfish sa tabi ng baybayin ay malamang kinuha din ng mga tagarito at nilagay sa tabi para pang picture taking. Ano nga naman ang silbi kung kailangan mo pang sisirin ang mga ito para lang makita. Pero kahit na ganon ang sitwasyon, thankful na rin kami at makakahawak na rin ng starfish sa wakas. Yong una kong kita ng starfish ay sa Zambales kaso lang ang laki ng pagsisisi ko ng hindi ko ito nahawakan. Haha. At last, dito sa Palawan, mahahawakan ko rin ito.
Syempre pa, sa mga ganitong sitwasyon, picture taking agad. Palitan kami ni Eric ng hawak ng camera para merong souvenir.
At merong nag volunter na isang bangkero. Kukuhaan daw kami ng picture at gagawing higante ang starfish. Hmmm. Sige, pinagbigyan namin. At okay naman ang kinalabasan. Si mamang bangkero me talent. Hehe.
Ng ma examine namin ang starfish, matigas ito. Parang isang matigas na kahoy. Ang mga tinik nito ay malamang nagsisilbing protection para sa mga ibang nilalang na gusto itong lantakan.
Pero ng nilagay namin ito sa buhangin, ang mga guhit sa bandang ilalim nito ay unti-unting bumubuka at merong naglilitawan na akala mo ay mga maliliit na tubo. Ang gara talaga. Ang isang function pala nito ay parang paa.
At pagkatapos ng ilang sandali pa, unti-unti itong lumambot at nagbend para maabot ang buhangin. Ginagawa niya ito para makabaligtad ulit at makalakad. Haha. Ang sarap siguro pag eksperimentuhan ang mga ito.
Pagkatapos ng aming munting eksperimento sa mga starfish, naglakadlakad kami sandali. Ang sarap kasi ng mga ganitong pagkakataon na ma-enjoy ang dagat lalo na't ganito ito kalinis at halos walang tao.
Ang ibang parte nito na lubog sa tubig ay sadyang malambot ang buhangin. Kailan mong magyapak para di mabaon ang mga tsinelas mo.
Hindi na namin pinuntahan ang kabilang dulo nito kasi wala naman talagang makikita pa. Kung ano ang meron sa pagkadaong namin ay parang ganon na rin ang kabuuan ng isla. Pinong white sand, malinis at crystal clear ang tubig, tahimik ang lugar, at merong starfish. Maliban dito wala ka ng pwedeng ma expect pang ibang bagay. Sabagay, kumpara sa mga mataong beach resorts na hindi ganon kalinis ang dagat, malaking bagay na ang makarating dito.
At pagkatapos ng halos 30 minutes naming paglagi sa starfish island, tumulak na kami papuntang snake island naman.
1 comments:
wow! napakagandang lugar po, sana nextyear makapunta kami dyan kasi tamang tama nandyyan ang sister ko nakatira kaso sa coron sila,maganda din daw po ang mga isla sa busuanga.but my cousin shes really enjoy po ng pumunta dyan sa starfish island.thnx and godbless!
Post a Comment