Dolphin Watching - Honda Bay @ Puerto Princesa, Palawan
Quarter to one na ng umalis kami ng Pandan island. Pagkatapos naming tumambay unti, nagpasya na kaming umalis kasi nakita na namin ang kabuuan ng isla at wala namang pwedeng gawin kundi ang maligo lang doon. Ang excitement level namin kaninang umaga ay biglang bumulusok pababa dahil sa sobrang taas ng expectations namin sa aming mga pupuntahang isla. Nakapunta na kasi ako sa Coron last year kaya ganon na lang kataas ng expectations ko.
Habang pabalik, tahimik naming pinagmamasdan ang bawat madaanan namin. As usual, maganda ang panahon at hindi maalon, sobrang mainam bumiyahe. Masarap pagmasdan ang kabuuan ng Honda Bay dahil sa naaalagaan ang mga ito. Meron kaming nakitang manginlan-ngilang mga baklad katulad ng sa Taal Lake at Laguna de Bay, pero hindi naging issue dito ang peligrong epekto nito sa kapaligiran.
Pagkatapos ng halos sampung minutong takbo ng bangka, biglang may nakita akong malaking isda sa may di kalayuan. Na excite kaming bigla at sabi ng bangkero namin ay may dumadaang dolphins. Wow, ang gara!
Tamang tama lang ang timing namin papauwi para makasalubong ang mga lumalangoy na dolphins. Actually, sa tuwing umuuwi ako sa probinsya ay sumasakay ako ng barko dahil tuwing umaga merong mga malalaking isda na lumalangoy at sumasabay sa barko. Pero ang mga isdang iyon ay medyo malayo sa barko at hindi ko rin masabi kung anong klaseng isda ang mga iyon. Pero ngayon, heto at malapitan, first time kong makakita ng dolphin. At hindi lang iisa, marami sila.
Haha. Biglang tumaas ang excitement level ko. Hindi ko ma-explain kung bakit bigla akong kinabahan. Hindi naman sa takot ako dahil ibang kaba ito. Ito yung tipong bibihira lang mangyari talaga at kami lang ang nasa laot ng mga oras na iyon. Malamang kung ang mga dayo dito ay nakasabay naming umuwi pabalik, siguradong magkakagulo dito sa bandang ito ng dagat.
Maige na lang at solo namin ang bangka. Nang dumaan ang mga dolphins, automatic na pinatay ng mga bangkero namin ang makina ng bangka para hindi matakot ang mga ito. Sa bawat pag-ahon nila, hindi ko pinapalagpas ang bawat mahahalagang mga sandali na hindi sila makunan ng litrato. Grabe! Talagang total excitement itong nangyaring ngayon.
Madaling napakiusapan ang mga bangkero namin na sundan ang mga dolphins. Yan ang kaigihan pag solo ang bangka, walang kumukontra. Buti na lang at mababait ang mga nataon sa aming mga bangkero at pinagbigyan naman kami.
At sa mga nasaksihan ko, kung hindi ako nagkakamali, malamang merong baby dolphin na made in the Philippines. Kitang-kita ito sa bawat pag ahon nilang mag-ina. Talagang nakadikit ito sa mas malaking dolphin. Talagang pinagpala nga ang bansa natin dahil dito sa atin nagpapadami ng lahi ang mga kagaya ng dolphins.
Sa bawat pindot sa aking kamera, winiwish ko na sana tumalon ang mga ito at magpakitang gilas kahit minsan lang. Hehe. Ang sarap sigurong ma experience ang mga ganong pagkakataon na naglalaro sila at nagpapakita ng kanilang mga stunts. Pero sabi nga ng mga bangkero namin, sadyang dumadaan lang daw ang mga ito.
Ang sampung minutong encounter na ito sa mga dophins dito sa Honda Bay ay isa sa mga thrilling experience ko sa dagat at malamang mahirap itong makalimutan. Kahit na wala ito sa itinerary namin, ang bait talaga ni Lord at binigyan kami ng pambihirang pagkakataon na makita ang isa sa mga pambihirang nilikha Nya. Malamang narinig Nya ang kwentuhan namin na sana ay maka experience kami ng kakaiba dito at ito nga iyon.
Sana sa paglipas ng mga taon, ang ating mga karagatan na gaya dito sa Palawan ay mapanatiling maprotektahan para na rin patuloy na dumami ang lahi ng mga dolphins at iba pang yamang dagat. Sana ang mga lokal na nakatira dito ay maprotektahan din ang mga ito dahil ang mga yamang dagat kagaya ng dolphins ay nagbibigay din sa kanila ng kanilang ikakabuhay. Sana patuloy na dumami ang mga dolphins para naman ang mga kagaya ko na bibihira lang magkaroon ng pagkakataon na makita sila ng malapitan ay magkakaroon ng panibagong experience at inspirasyon.