Saturday, May 15, 2010

Capones Island @ Zambales - Part 2

Sa aming pagbaba sa kabilang side ng bundok, ibang mukha naman ng bundok ang tumambad sa amin. Kung ang kabilang side ay mabato at di na halos matubuan ng mga damo, dito naman sa kabila ay sobrang kabaligtaran. Malalago ang mga damo dito. Kaya lang since na summer time, halos tuyot na ang mga damo sa paligid ng bundok.



Subalit kahit ganoon ang setting ng paligid, ang ganda pa rin nyang kunan ng picture at pwedeng pwede maging wallpaper. Sa unang tingin ay manghihinayang ka sa mga tuyong damo sa paligid pero habang tumatagal meron pala itong kakaibang taglay na kagandahan. Parang tao din yan. Minsan may nakakasalamuha tayong hindi gaanong kagandahan sa unang tingin pero habang tinitingnan natin at nakakausap ng matagal, doon na nagsisimulang lumabas ang kanyang angking ganda. Naks.



At mga ilang hakbang pa pababa ng bundok, kakaibang setting naman ng baybayin ang naghihintay sa amin. Kung sa kabilang side ay hindi mo pansin ang alon maliban doon sa humahampas sa dalampasigan, dito naman, malayo pa lang ay ilang rolyo na ng alon ang nag-uunahan papuntang dalampasigan. Ang mga alon dito ay patunay na buhay na buhay ang isla ng Capones.



Habang binabaybay namin ang gilid ng dalampasigan, maliban sa mga aktibong alon, nakukuha rin ng aming atensyon ang mababatong daanan at mga higanteng bato sa paligid. Literal mong masasabi sa sarili mo na batong-bato ka na sa paligid mo dahil sa mga batong ito. Hehe



Kung sanay ka sa patag at sementadong daan, tyak, ibayong ingat ang gagawin mo dito. Kailangang magkaroon ka ng firm footing sa kabuuan ng lakaran dahil hindi pantay ang surface na nilalakaran mo at idagdag mo pa dyan ang pagiging madulas ng mga bato every time na nababasa ang mga ito ng alon. Sangkatutak na ingat talaga kung ayaw mong mabato este mabukolan. Hehe



Since na wala namang nakatira dito sa isla, pansinin din ang mga nilalang na nabubuhay dito. Yong iba ay malayang nagsa-sun bathing sa batuhan habang ang iba naman ay nagra-rock climbing. Hehe



At kung ganitong kaganda at kakaiba ang isang lugar na pupuntahan mo, papalagpasin mo ba ang pagkakataon na hindi magpakuha ng picture? Kung oo ang sagot mo, tyak wala kang dalang cam. Hehe. Kaya siguraduhing dala ang camera, fully charged ito, at malaki ang capacity ng sd card dahil tyak magiging trigger happy ka dito. Magiging sayang lang ang pagod mo kung sa memory mo lang naka-store ang mga ito at hindi pwedeng ma-upload o kaya'y ma-share sa iba.



Pero ang the best sa lahat ay ang ma-experience mo ang paghampas ng alon sa katawan mo habang todo emote ka sa harap ng camera. Buti na nga lang at game si Gerard na kunan ko sya sa ganitong set up. Sadyang nakakatuwa talaga. Actually, first time kong maka-encounter ng ganitong lugar na malakas ang hampas ng alon at di sya delikado. Tyak babalik ako dito para sa isang photo shoot project. Gara e. Hehe



At sa uulitin, huwag nating kalimutan ang kaligtasan ng isa't isa habang nag-eenjoy tayo sa mga lakarang katulad nito. Tyantyahin munang maige ang sitwasyon at palaging unahin ang kaligtasan bago ang excitement. Be safe sa pag-eexplore, mapa-high tide o low tide man. :)

Capones Island @ Zambales - Part 1

Sa baybayin pa lang ng Pundaquit ay abot tanaw na ang isla ng Capones. Halos magkasingtabi lang sila ng isla ng Camara. Nang aming lisanin ang isla ng Camara, medyo malakas na ang alon. May mga sandali na napapakapit ako sa magkabilang gilid ng bangka kasi talaga namang ramdam mo ang taas-baba ng bangka.



Pero talagang ganon kung gusto mong mag-explore, palaging kasama ang risk. Para mawala ang kabang nararamdaman, syempre kailangang manalangin along the way sabay baling ng atensyon sa parte ng isla na iniikutan namin.




Pagdating sa parteng gilid ng isla kung saan nasasalag nito ang hangin, banayad na ang alon at nakahinga na rin kami ng maluwag. Sa hitsura ng tubig-dagat, kita mong malinis ito at nakakaengganyong maligo na.



Pagkatapos ng mahigit kumulang 10 minuto galing sa isla ng Camara papunta dito sa isla ng Capones, abot-tanaw na namin ang parte ng isla kung saan dumadaong ang mga bangka. Merong mga turistang maagang pumunta dito pero hindi ganon karami. At sa malayo pa lang, kakaiba na ang ganda ng isla. Malamang marami pa itong mga magagandang parte na nag-aantay lamang na ma-explore ng mga kagaya namin.



At sadyang nakakatuwa ang litratong nakuha ko. Kung inyong pagmasdang mabuti, ang hugis ng bato sa bandang itaas ay parang isang higanteng lizard samantalang ang sa ibaba naman ay parang isang higanteng palaka. (O baka naman imagination ko lamang ang mga ito. Hehe)



Past 9am na kami nakadaong at sa paglapat ng aming mga paa sa dalampasigan, ramdam mo ang mala-pulburong pino ng buhangin. Bibihira lang ang mga baybaying katulad nito na sobrang pino ang mga buhangin. At the best palagi ang experience kung maglalakad ka dito ng nakapaa lamang.



Subalit sa mas mataas na parte ng dalampasigan, nagkalat na ang mga bato at parte ng mga corals na inanod ng dagat. Hindi na advisable dito ang nakaapak dahil tyak matitibo ka. Hehe



Ang gara ng rock formation na sasalubong agad sa iyo. Kitang-kita talaga ang tibay ng bato dito at malamang centuries na rin ang binilang nito at patuloy pang magbibilang ng mga taon. Ang nakakalungkot nga lang, meron tayong mga kababayan na sadyang nag-iiwan ng palatandaan na galing sila dito. Sana maiwasan natin ang mag-vandal sa mga ganitong klaseng lugar para patuloy itong maging kaaya-aya sa mga turistang dumadalaw dito.



Hindi ba't magandang magpakuha ng souvenir picture dito na malinis at walang nakasulat na kung ano sa mga bato? O di kaya'y kung gusto nyong magsulat, pwede nyong i-blog ang experience nyo sa Capones gaya nito at wag ng dungisan pa ang ganda ng isla.



Anyway, binaybay namin ang daan papuntang lighthouse. Kahit na katirikan ng araw, ang sarap pa ring maglakad sa dalampasigan. Maliban sa excitement kung anong meron doon sa lighthouse na yon, enjoy ang lakad dahil sa sariwa ang hangin at maganda ang view.



Narating namin ang parte ng isla na medyo kakaiba ang hitsura. Sa bandang ibaba, nakausli ang mga bato na parang anomang oras ay pwede itong matibag at mahulog. Sinubukan itong kapitan ni Justin at matibay naman pala. Hehe



At yong inakyat namin na part, masasabi mong walang buhay talaga. Kakaiba ang mga bato dito, kulay itim. At malamang kahit ang mga damong ligaw ay hirap ding tumubo dito. 'Yon nga lang at nakalimutan kong itanong sa bangkero namin kung bakit naging ganon ang hitsura ng lugar na iyon. Next time ko ikukwento kasi may balak akong bumalik dito. Magpalista na ang gustong sumama. Hehe



Magkaiba ang hitsura ng inakyat namin at ng kabilang parte. Ang mga maiitim na bato na dinaanan namin, meron pa rin dito sa tuktok. Pag narating mo na ang tuktok, hanep sa ganda ng view. At dahil sa kakaibang ganda ng lugar, tumigil muna kami sabay picture picture.



At kung ganito kaganda ang isang lugar na mapuntahan mo, tyak mapapatalon ka sa tuwa.

  © Free Blogger Templates 'Greenery' by Ourblogtemplates.com 2008

Back to TOP